Mahigpit na ipagbabawal sa loob ng Basilica Minore ng Our Lady of Piat ang mga batang edad apat pababa habang mga vaccinated individuals lamang ang papayagang makapasok sa simbahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Val Simangan, hepe ng PNP-Piat na isa-isang susuriin ng pulisya ang mga vaccination card ng mga deboto habang maaari namang iwan ang mga batang hindi maaaring pumasok sa loob sa nakatalagang police assistant desk sa labas ng simbahan.

Mahigpit rin ipatutupad ang tamang dress code o pananamit sa loob ng simbahan tulad ng pagbabawal sa mga lalaking naka-short at maiiksing damit sa mga babae.

Makakatuwang naman ng pulisya ang Bureau of Fire Protection, MDRRMO at force multiplier mula sa Barangay sa pagpatupad ng minimum health protocols tulad ng palagiang pagsusuot ng face mask at social distancing sa inaasahang pagdagsa ng mga magbi-visita iglesia at sa buong aktibidad ng simbahan ngayong Holy Week.

Samantala, kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa ibat-ibang bayan sa Rehiyon ay ipinaalala ni Joy Moldero, OIC Manager ng Tuguegarao City Central Terminal na dalhin ang kanilang vaccination card para hindi maabala sa biyahe para sa kaligtasan ng bawat biyahero laban sa kontaminasyon ng COVID-19.

-- ADVERTISEMENT --