TUGUEGARAO CITY- Epektibo na sa Lunes, January 17 ang “No Vaccination Card, No Entry Policy” sa Tuguegarao City Airport.

Ito ay batay sa ipinalabas na memorandum circular ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nakabase sa Department Order ng Department of Transportation (DOTr) na nag-aatas na tanging mga fully vaccinated lamang ang papayagang makasakay sa mga pampublikong sasakyan.

Kaugnay nito, sinabi ni Mary Sulyn Sagorsor, area manager ng CAAP-Tuguegarao, na ang mga pasahero, visitors at guests at iba pang kliyente ay kailangang magpresenta ng kanilang vaccination card o vaccination certificate sa lahat ng access gates.

Samantala, ang mga unvaccinated at partially vaccinated naman ay kailang magpresenta ng negative RT-PCR test result na kinuha 48 hours bago ang arrival.

Sa naturang kautusan, sinabi ni Sagorsor na ipatutupad ang patakarang ito hindi lamang sa Tuguegarao City Airport kundi pati sa mga paliparan sa Isabela at Batanes habang umiiral sa rehiyon ang Alert Level 3 o mas mataas pa rito.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi naman kasama sa “no vaccination, no ride” policy ang mga persons with medical conditions na hindi maaaring bigyan ng COVID-19 vaccination.

Tiniyak naman ni Sagorsor na fully vaccinated ang mga airport personnel at ipinapatupad ang skeletal workforce.

Sa ngayon, ay tanging mga inter-island lamang ang biyahe sa paliparan sa lungsod habang nilimitahan ng CAAP ang mga flights nito patungong Manila.