Ipapatupad ang “No Work, No Pay” ngayong araw na ito kasabay ng paggunita sa EDSA People Power Revolution, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Batay sa advisory ng DOLE, hindi imamandato ang employer na bayaran ang empleyado na hindi papasok sa trabaho ngayong February 25, na idineklara na special working day.
Sinabi ng ahensiya na ang mga papasok naman sa trabaho ay makakatanggap ng 100 percent ng kanilang sahod para sa unang walong oras.
Makakatanggap din sila ng karagdagang 25 percent kung sobra sa walong oras ang kanilang trabaho sa kanilang hourly rate sa nasabing araw.
Inilabas ng DOLE ang patakaran sa pasahod ngayong araw na ito batay sa Proclamation No. 727, Series of 2024 para sa pagbabayad ng sahod at iba pang wage-related benefits.
Kaugnay nito, ang itatampok sa paggunita sa 39th EDA People Power Revolution ay ang “spiritual component” nito na nagbigay daan sa pagtatapos ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.
Libo-libong tao, mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, ang nagtipon at ipinakita ang suporta sa kahabaan ng Epifanio de Los Santos Avenue o (EDSA) sa Metro Manila.
Pebrero 22 ang simula ng pag-aalsa, kung saan daan-daang libo, kabilang ang mga pari at madre, ang nag-vigil pabalik sa EDSA noong gabing iyon.
Sa sumunod na dalawang araw, dumami ang mga taong nagpakita sa EDSA.
Milyun-milyong tao ang naglakad at nanalangin nang sama-sama sa kahabaan ng EDSA.
At noong Pebrero 25, idineklara si Cory Aquino bilang Pangulo ng Pilipinas at ng gabing din iyon ay tumakas si Marcos sa bansa.