Tampok sa dalawang araw na Diskwento caravan ng Department of Trade and Industry ang mga Noche Buena products na isinagawa kamakailan sa bayan ng Allacapan, Cagayan.
Ayon kay Mar Anthony Alan ng DTI-Cagayan na katuwang ng ahensiya ang nasa 14 exhibitors mula Tuguegarao City at Santiago City na nakibahagi sa naturang aktibidad kung saan nagbigay ang mga ito ng 20 hanggang 50% discount sa mga produkto.
Bukod sa mga noche buena products, tampok din sa aktibidad ang mga patok na panregalo ngayong pasko tulad ng mga damit, appliances, cellphones at iba pang produkto mula sa lalawigan.
Dahil sa discounted price, sinabi ni Alan na umabot sa P1.38 milyon ang napagbentahan ng mga exhibitors sa mga mamimili na nakabili ng mga produkto sa presyong wholesale o mas mababa pa sa Suggested Retail Price (SRP).
Malaking bentahe din ito sa mga mamimili dahil hindi na nila kailangan pang magbiyahe sa Tuguegarao City para makapamili ng murang bilihin lalo ngayong panahon ng pandemya.