Tiniyak ng pamunuan ng Northern Luzon Command ng armed forces of the philippines na ipagpapatuloy nila ngayong taon ang kanilang security operations at security engagement upang mapanatili ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ni Lieutenant Colonel Rodrigo Lutao Jr. ng NOLCOM na marami silang isinagawang security operations nitong 2023 kung saan ang pinakamarami ay sa kalupaan na umabot sa 300, 100 sa air patrol at 56 na sa karagatan kabilang sa mga maritime areas para sa territorial defense na kinabibilangan ng bajo de masinloc, batanes group of islands at philippine rise.
Ipinaliwanag ni lutao na mandato nila bilang sangay ng afp na magsagawa ng mga security operations para sa pagprotakta sa ating bansa at maging sa mga mamamayan mula sa mga banta ng karahasan.
Kaugnay nito, sinabi ni Lutao na naging agresibo ang nolcom sa securiy patrols sa kalupaan upang mapigilan ang mga posibleng karahasan, pangingikil at recruitment ng mga rebeldeng grupo.
Sinabi ng opisyal na hindi sila maaaring magpakampante dahil sa kabila na humina na at iilan na lamang ang mga natitirang miembro ng new peoples army sa kanilang nasasakupan ay posible pa rin silang makapagsagawa ng karahasan.
Ayon kay Lutao, sa kanilang internal security operations laban sa insurhensiya nitong 2023, umabot sa labing lima na rebelde ang napatay, dalawampu ang nahuli at 120 ang sumuko habang 120 na armas naman ang isinuko at nakumpiska.
Dahil dito, sinabi ni Lutao na patuloy ang pakikipagtulungan nila sa ibat ibang ahensiya ng pamahalaan upang maipatupad ang mga programa at mga proyekto sa mga komunidad lalo na sa mga liblib na lugar upang matiyak na hindi sila mahihikayat ng mga rebeldeng grupo.
Sa katunayan, sinabi ni Lutao na umabot sa mahigit P586 million na halaga ng mga proyekto ang ginawa nitong 2023 tulad ng farm to market roads, mga patubig at iba pa na malaking pakinabang sa mga benepisyaryo.