Nagpatupad ng pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada ang lokal na pamahalaan ng Maynila ngayong araw ng Martes para sa isasagawang state funeral ni National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor ngayong araw ng kaniyang libing.
Ilang mga bahagi ng Padre Burgos Avenue, simula ssa Mehan Garden hanggang Quezon Boulevard Bridge at maging ang Natividad Lopez Street ang pansamantalang hindi madadaanan ng mga motorista simula 7:00am ngayong umaga.
Kaya naman inabisuhan na ng Manila LGU ang mga motorista na gumamit muna ng mga alternatibong ruta ngayong araw nang makaiwas sa matinding trapiko.
Payo rin ng pamunuan ng Maynila na tandaan din ang mga parking restrictions dahil ipapatupad rin ito sa bahagi ng Taft Avenue hanggang Mehan Garden.
Samantala, nag-umpisa kaninang 8:30am ng umaga ang arrival honors sa batikang aktres sa Arroceros Forest Park at susundan ng isang necrological service sa Metropolitan Theatre ng pasado 9:00am.
Ngayong tanghali naman inaasahang papasinayanan ang full military honors sa National Artist na siya namang gaganapin sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.