Niyanig ng magnitude 6 na lindol ang hilagang-silangan ng baybayin ng Taiwan ngayong Miyerkules, Agosto 27.
Naitala ang epicenter nito sa karagatang malapit sa Yilan County, may lalim na 112 kilometro.
Bahagyang yumanig ang mga gusali sa Taipei, ngunit agad namang kinumpirma ng mga awtoridad na walang iniulat na pinsala o nasugatan.
Nanatiling ligtas din ang mga pabrika ng Taiwan Semiconductor Manufacturing Company (TSMC) na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng bansa, dahil hindi umabot sa antas na kailangan ng evacuation ang pagyanig.
Dahil nasa hangganan ng dalawang malalaking tectonic plates, madalas makaranas ng lindol ang Taiwan.
Matatandaang mahigit 100 ang nasawi sa lindol noong 2016, habang umabot sa mahigit 2,000 ang namatay sa malakas na 7.3 magnitude na lindol noong 1999.