Hinimok ng 17th Infantry Batallion, Philippine Army ang New People’s Army na tumulong sa pamahalaan sa laban kontra Corana virus disease (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo, nanawagan si Lt/Col. Angelo Saguiguit, commanding officer ng 17th IB sa mga miyembro ng rebeldeng grupo na makiisa sa pakikipaglaban sa patuloy na paglobo ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Ayon kay Saguiguit, pansamantalang umiiral ang unilateral ceasefire sa pagitan ng NPA at pwersa ng pamahalaan kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, nagbabala si Saguiguit na laging nakahanda ang militar na idepensa ang kanilang hanay kung sakaling magsagawa ng opensiba ang makakaliwang grupo.

Kasunod nito, hinikayat ng opisyal ang mga rebelde na samantalahin ang pagkakataon upang magbalik-loob sa pamahalaan sa halip na pumunta sa kanilang mga supporters upang manghingi ng makakain.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t pansamantalang itinigil ang ‘combat operations’, sinabi ni Saguiguit na nagpapatuloy ang ‘civil military operations’ sa mga liblib na lugar para sa information dissemination kaugnay sa COVID-19.

Tiniyak din niya ang social distancing para matiyak na nasusunod ang health protocols at safety guidelines sa harap ng pinaiiral na enhanced community quarantine.