Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isang mataas na opisyal ng Communist Terrorist Group sa Barangay Dagupan, Lal-lo, Cagayan.
Ang n aturang NPA leader ay may mga alyas na Ranny, Arman, Bago, Peping, at Kulot, at nagsilbing Pangalawang Kumander ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley Komiteng Probinsya-Cagayan sa ilalim ng Henry Abraham Command at ika-apat sa Periodic Status Report on the Threat Groups watchlist para sa 4th quarter ng taong 2024 at kinikilala bilang pangunahing Most Wanted sa rehiyon.
Kasabay ng kanyang pagsuko ay ang pagkakasamsam ng mataas na bilang ng kagamitang pandigma, kabilang ang 95 piraso ng 9mm dynamite, 2 improvised explosive devices (IEDs), 3 CTG 40mm, isang IED hand grenade, isang IED na may sukat na 21mm ang haba at 18mm ang lapad, isang hand-held radio, isang MK2 fragmentation grenade, 29 na piraso ng CTG caliber 5.56 ammunition, 100 piraso ng 5.56 links, apat na magazine para sa M14 rifle, isang ammunition drum para sa K3, dalawang bandolier, isang watawat ng National Democratic Front (NDF), at isang K3 semi-automatic rifle, kasama ang iba pang mga gamit.
Sa kanyang pagsuko, isinilbi rin sa kanya ang limang nakabinbing warrant of arrest para sa mga kasong robbery with arson, paglabag sa Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020, hiwalay pang kaso ng robbery at robbery with arson, murder, attempted murder, at iba pang krimen.
Sa kasalukuyan, si alyas Ranny ay nasa kustodiya ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) habang inaayos ang kanyang paglilipat sa korte na siyang may hawak sa kanyang mga kaso.