Naihatid na sa kanyang huling hantungan ang mga labi ni Gerald Paredog o Alyas Daloy sa public cemetery sa Brgy. Pateng Gonzaga, Cagayan na miyembro ng mga makakaliwang grupo na nasawi sa engkwentro noong Pebrero 23 sa Sitio Laoc sa Brgy. Pateng Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay Army Major Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Unit ng 5th Infantry Division, nabigyan ng disenteng libing si Alyas Daloy alinsunod sa protocol ng lokal na pamahalaan ng Gonzaga.

Sinabi ni Pamittan na bagamat nailibing na si Alyas Daloy, patuloy pa rin ang kanilang paghahanap at pakikipag-ugnayan sa mga kakilala nito, lalo na sa kanyang pamilya na mula sa Sta. Margarita, Samar.

Aniya sakaling matagpuan na ang mga kamag-anak, maaari nilang kunin ang labi ng namatay at dalhin sa kanilang lugar, at handa rin silang tumulong para sa proseso nito.

Dagdag pa ni Pamittan na patuloy din ang paghahanap nila sa iba pang miyembro ng makakaliwang grupo na maaaring nasugatan sa engkwentro sa Eastern Portion ng Cagayan at sa karatig na munisipyo ng Gonzaga.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, tinukoy din ni Pamittan na patuloy ang paghina ng mga natitirang teroristang NPA sa nasasakupan ng 5th Infantry Division sa Cordillera at sa Lambak ng Cagayan.