Inihayag ng 5th Infantry Division, Philippine Army na may nangyayaring recruitment ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa mga paaralan at Unibersidad sa Region 2.
Bagamat hindi pinangalanan, sinabi ni Maj. Gen. Pablo Lorenzo, commanding officer ng 5th ID na na-monitor ng militar ang ilang paaralan sa rehiyon na ginagamit ng NPA ang ilang mga student organizations para sa kanilang recruitment activities.
Ayon kay Lorenzo, ang mga legal na organisasyon na galing sa mga Unibersidad sa Metro Manila na kung tawagin ay “Kadre” ay dinadala sa rehiyonm upang hikayatin ang mga estudyante na umanib sa grupo sa pamamagitan ng pagsisinungaling na sila ay makabayan at tinuturuan na lumaban sa pamahalaan.
Sa katunayan aniya ay may ilang mga estudyante sa lokalidad ang nahikayat ng rebeldeng grupo na na-mundok subalit ilan din sa mga ito ay sumuko na.
Kaugnay nito, sinabi ni Lorenzo na kanyang isusulong sa mga eskuwelahan ang pagbibigay impormasyon sa tunay na academic freedom para labanan ang ginagawang paglilinlang ng NPA sa mga estudyante.