
Sinabi ng National Security Council o NSC na iimbestigahan nito ang umano’y financial inflows mula China patungo sa isang kumpanyang konektado sa pamilya ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay National Security Adviser Eduardo Oban Jr., seryosong sinusuri ng NSC ang mga impormasyong lumitaw sa impeachment trial ni Duterte, lalo na ang mga transaksyong maaaring may implikasyon sa national security.
Sa testimonya ng Anti-Money Laundering Council, sinabi ni Executive Director Ronel Buenaventura na nakatanggap umano ng P319 milyon mula China at Hong Kong ang Cale88 Foods Corporation, na konektado sa asawa ng Vice President na si Manases Carpio.
Hinimok naman ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro si dating senador Antonio Trillanes IV na isumite ang mga ebidensya sa kaniyang mga alegasyon para maisagawa ang masusing imbestigasyon.
Itinanggi naman ng kampo ni Duterte na may batayan ang alegasyong may koneksyon siya sa China dahil sa umano’y pagtanggap ng pondo.
Samantala, sinabi ng Chinese Embassy sa Maynila na isang “false narrative” ang mga alegasyon at hinimok ang mga sangkot na huwag idamay ang relasyon ng Pilipinas at China sa pulitika.




