TUGUEGARAO CITY-Nagbigay ng paalala ang National Telecommunication Communication (NTC)-Region 2 sa publiko para makaiwas na maging biktima ng text scam.

Ayon kay Engr. Alejandrino Tamania ng NTC Region 2, isa sa kanilang problema ay ang kakulangan ng kaalaman ang publiko sa text scam kung kaya’t madami pa rin ang nagiging biktima nito.

Dahil dito,pinaalalahanan niya ang publiko na kapag nakakatanggap ng text na nagsasabing sila ay nanalo ng anumang promo at wala namang sinalihan ay huwag na itong pansinin.

Aniya, ilan pa sa mga modus ng text scam ay ang roaming text kung saan mayroong magpapanggap na kamag-anak sa ibang bansa at hihingi ng pera maging ang dugo dugo sim o text na magpaparating na naaksidente ang iyong kamag-anak at hihingi ng pera.

Sinabi ni Tamania na kailangan ay iberipika muna ang mga natatanggap na text at huwag agad nagpapaniwala dahil hindi na mababawi ang perang ibibigay.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, naniniwala si Tamania na isa sa solusyon ng text scam ay ang pagkakaroon ng registration sa bawat indibidwal na kukuha o bibili ng simcard.

Sa pamamagitan aniya nito ay mas madaling malaman o makita kung kanino nanggaling ang text messages.