TUGUEGARAO CITY- Kinumpirma ni Governor Manuel Mamba na magsisimula na sa Disyembre-01 ang Inter-regional route ng mga Public Utility Bus sa Cagayan.

Ayon kay Mamba, unang papayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbiyahe ng Florida Bus Company.

Inaasahan naman ng Gobernador na masusunod pa rin ng tama ang mga panuntunan na nakasaad sa Alert Level System na inilatag ng LTFRB.

Pinaalalahanan din ang kumpanya ng bus na kailangang sumunod sa guidelines at mahigpit na ipatupad ang Covid-19 protocols para sa kaligtasan ng mga pasahero.

Sa loob ng isang bus, magiging 32 na pasahero na lamang ang isasakay mula sa dating 49.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga sasakay na ‘fully vaccinated’ ay pinapayagang bumiyahe habang ang mga hindi pa kumpleto ang bakuna ay kinakailangan pa rin magpakita ng antigen test result ng 72 hours.

Ayon pa sa Gobernador, ang pagbubukas ng inter-regional na biyahe ng mga pampublikong sasakyan ay isang hakbang para muling maibangon ang ekonomiya ng Lalawigan at inaasahang tataas ito sa 5% hanggang katapusan ng taong 2021.

Matatandaan na nagkasundo sina Gov. Mamba at LTFRB Regional Director Edward L. Cabase sa muling pagbubukas ng inter-regional route para sa mga pampublikong sasakyan na manggagaling sa Metro Manila at sa iba pang rehiyon na papasok sa Cagayan.