Tuguegarao City- Lalong paiigtingin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang kanilang mandato na wakasan ang banta ng terorismo sa bansa.

Ito ay kasabay ng magandang resulta ng dumaraming bilang ng mga sumusuko sa pamahalaan sa gitna ng kampanya nito kontra sa mga terorista.

Sa panayam kay Presidential Communications Operations Office at NTF-ELCAC Spokesperson Usec. Lorraine Badoy, malaking tulong ang isinusulong na Anti-terror bill bilang ngipin laban karahasang ginagawa ng mga makakaliwang grupo.

Paliwanag ni Usec. Badoy na walang dapat na ikatakot at ikabahala ang mga tumututol dito dahil maraming mga “safegurad provisions” ang anti-terror bill.

-- ADVERTISEMENT --

Binigayang diin pa nito na kailangan ang naturang batas upang proteksyonan at depensahan ang mga mamamayan ng bansa.

Sa pamamagitan pa aniya ng Anti-terror bill ay maaaring pigilan ang paglaganap ng terorismo sa komunidad.

Bahagi aniya nito ay titiyakin ng pamahalaan na ang mga terorista ang tanging mapapanagot taliwas sa mga sinasabing magdudulot lamang ito ng malawakang human rights violations.

Giit pa nito na ginawa ang naturang panukalang batas para sa mga teroristang grupo kung saan ay layuning supilin pagpapalaganap ng karahasan sa bansa.

Inihalimbawa pa ni Badoy ang ginagawang pagpatay ng mga komunistang grupo sa mga miyembro ng kasundaluhan na tumutulong sa paghahatid ng mga ayuda, pagnanakaw sa mga inihahatid na tulong mula sa Social Amelioration Program at pananakot sa mga inosenteng mamamayan marami pang iba.

Sinabi pa nito na hanggat may banta ng terorismo ay hindi uusad sa pag-unlad ang bansa dahil isa pa sa mga ginagawa ng mga relbeldeng grupo ay ang pagsira sa mga gamit ng pamahalaan para sa paggawa ng mga proyekto.

Tiniyak naman ni Usec. Badoy na gagampanan ng kanilang hanay ang kanilang tungkulin upang makamit ang “Good Governance” bilang puso ng NTF-LCAC.

Aniya, sa oras na maaprubahan na ang panukalang batas ay lalong hahabulin ng pamahalaan ang mga teroristang grupo dahil kung pagbabasehan lamang ang human security act ay mahina ito sa paglaban sa terorismo.

Sa ngayon ay patuloy aniya ang pamahalaan sa pagbabahagi ng tulong sa mga nagboluntaryong sumuko na mga miyembro ng NPA.

Muli naman siyang umapela sa mga miyembro ng makakaliwang grupo na boluntaryong sumuko nalamang upang mapanatili ang kapakanan at kapayapaan ng bansa.