Dismayado ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa tinatayang ₱11.1 milyong halaga ng pinsala na iniwan ng isang barko ng China matapos sumadsad malapit sa Pag-asa Island nitong June 7, 2025.

Ayon sa task force, matinding rehabilitasyon ang kailangan ngayon sa Pag-asa Reef 1 na 2.6 kilometro lang ang layo mula sa mismong isla.

Giit ng task force, nangyari ang insidente habang tumitindi ang presensya ng Chinese Maritime Militia at China Coast Guard kahit pa nasa loob na ito ng territorial sea ng Pilipinas.

Sa ulat, halos tatlong oras na-ground ang Chinese vessel bago ito umalis nang hindi humihingi o tumatanggap ng tulong.

Lalo pang lumala ang isyu nang lumabas sa bagong video ng NTF-WPS na may naiwang parachute anchor sa ilalim ng dagat na hinihinalang galing sa barko ng China.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang sinabi ni Capt. Ellaine Collado, public affairs chief ng Western Naval Command na posibleng tinangay lang ng masamang panahon ang barko.

Pero iginiit ng NTF-WPS na hindi sapat ang ganitong paliwanag.

Nanawagan din sila ng pananagutan mula sa China, alinsunod sa batas ng Pilipinas na suportado din ng Palawan Council for Sustainable Development.