Hindi umano nasira ang nuclear program ng Iran sa isinagawang air strikes ng Estados Unidos, batay sa classified preliminary US intelligence report.
Tinukoy ng US media ang sinabi ng ilang tao na may alam sa Defense Intelligence findings na hindi nasira ang centrifuges o stockpile ng enriched uranium sa Iran sa isinagawang pag-atake ng US noong Linggo.
Ayon sa report, nagresulta ang nasabing pag-atake sa pagkakasara ng pasukan ng ilang pasilidad na hindi naman nasira ang mga underground building.
Kinumpirma ni White House Press Secretary Karline Leavitt na totoo ang nasabing assessment subalit hindi umano ito tama at ito ay itinuturing na “top secret” subalit lumabas pa rin sa media.
Binigyang-diin ni Leavitt na ang paglalabas sa nasabing umano’y assessment ay malinaw na pagtatangka para pahiyain si US President Donald Trump, at siraan ang mga matatapang na piloto na nagsagawa ng misyon para buwagin ang nuclear program ng Iran.
Tinamaan ng US B-2 bombers ang dalawang Iranian nuclear sites gamit ang GBU-57 bunker-buster bombs.
Tinawag ni Trump ang operasyon na “spectacular military success” at sinabing nasira ang nuclear sites ng Iran.
Sinabi naman ng Iran kahapon na ginagawa na nila ang mga nararapat na hakbang para matiyak na maipagpapatuloy nila ang kanilang nuclear program.