Inatasan ni Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito ang mga alagad ng batas na mag-isyu ng citation ticket sa mga driver na lumalabag sa traffic management rules at nag-counterflow sa mga congested areas sa buong lalawigan upang matugunan ang tumitinding pagsisikip ng trapiko sa kahabaan ng Maharlika Highway, lalo na sa bayan ng Diadi.
Ibinaba ni Gambito ang direktiba sa isinagawang consultative meeting na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG), Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM), at mga contractor ng mga inaayos na kalsada sa nasabing probinsiya.
Batay sa Republic Act 4136, magmumulta ng P1,000 ang mahuhuling motorista na nagbabalewala sa traffic signs habang P2000 naman sa mga nagbabalewala sa mga traffic law enforcers.
Nabatid na ang mga nagka-counterflow na mga sasakyan ang natukoy na pangunahing sanhi ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa mga road rehabilitation sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Nueva Vizcaya.
Kaugnay nito, inihayag naman ng DPWH na pansamantalang ititigil ang road rehabilitation mula Disyembre 20 hanggang Enero 5, 2025.
Layunin nito na buksan ang magkabilang linya sa trapiko, upang maibsan ang inaasahang pagsisikip dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga bakasyunista na papasok at lalabas sa lambak cagayan ngayong holiday season.
Maglalagay din ng mga directional signage sa mga entry point patungo sa mga alternatibong ruta upang magbigay ng mga opsyon para sa mga manlalakbay na nagnanais na maiwasan ang matinding trapiko sa mga construction site.