Isinailalim na sa State of Calamity ang lalawigan ng Nueva Vizcaya dahil sa matinding epekto at pinsala ng super typhoon ‘Pepito’ sa buhay at ari-arian ng Novo Vizcayanos.
Kaugnay nito, maaari nang gamitin ng lokal na pamahalaan at 15 munisipalidad nito ang kanilang Local Disaster Risk Reduction Management Funds para sa relief assistance at disaster response measures.
Ipinag-uutos din ng deklarasyon ang price freeze sa lahat ng pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin sa loob ng 60 araw.
Batay sa partial damage report ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, halos P1.4 bilyon na halaga ng pinsala kung saan ang sektor ng agrikultura ay nagrehistro ng pinakamataas na pinsala sa halos P1 bilyon.
Lumabas sa initial assessment na nagtamo ng humigit-kumulang P917 milyon ang halaga ng mga nasira sa mga pananim habang ang sektor ng livestock ay nagtamo ng humigit-kumulang P11 milyon na pagkalugi
Tinatayang mahigit P200 milyon ang pinsala ng super typhoon Pepito sa imprastraktura, na kinabibilangan ng mga nasirang tulay at kalsada sa national, provincial, municipal at barangay levels, kabilang ang mga flood control system, na nagkakahalaga ng mahigit P52 milyon.
Umaabot naman sa P9 milyon ang nasira sa irrigation systems, at ang mga naapektuhang paaralan ay tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P80 milyon.
Nag-iwan din ang bagyo ng pitong magkakamag-anak na namatay at tatlo ang sugatan matapos silang matabunan ng landslide ng gumuho ang bundok malapit sa bahay kung saan silang lumikas.
Kamakailan, bumnisita sa lalawigan partikular sa Bambang si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga residenteng nabiktima ng super typhoon ‘Pepito’.
Nag-abot din siya ng P50 milyon na tulong sa bagyo kay Gobernador Jose Gambito at nangakong magbibigay ng karagdagang tulong sa mga nasalanta ng bagyo at sa mga nasirang imprastraktura sa lalawigan.
Tiniyak naman ni Gambito sa mga taga-nueva vizcaya na ang tulong ni Pangulong Marcos ay gagamitin upang matulungan ang mga biktima ng bagyo na makabangon mula sa kalamidad.