Naging kauna-unahang probinsiya ang Nueva Vizcaya na naglunsad at nag aktibo ng kanilang lokal Emergency 911 Operations Center sa Region 2.
Ayon kay Webster Balaw-ing, head ng PDRRMO Nueva Vizcaya, ito ay naglalayong magbigay ng mas mabilis at epektibong tugon sa mga emergency situation sa loob ng probinsya.
Mapapabilis nito ang pagresponde sa mga tawag ng saklolo gaya ng sunog, aksidente, gulo at medical assistance.
Paliwanag pa ni Balaw-ing, na kapag ang tawag ay mula sa labas ng teritoryo ng Nueva Vizcaya, ito ay direktang ire-refer sa national 911 kung saan ito mismo ang tatawag sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng lugar kung saan malapit ang tumatawag upang masiguro na matugunan ang emergency.
Bukod dito, maaari ring makatanggap ng tatlong tawag ang 911 ng kaparehong oras kung saan maaari itong gamitin ng libre at kahit walang load.
Idinagdag pa ni Balaw-ing, na ilang beses na rin silang nakatanggap ng prank calls sa probinsiya dahil sa curiosity ng mga tao sa 911.
Sa ngayon ay nanawagan naman si Balaw-ing na kung maaari ay gamitin lamang ang 911 sa panahon ng emergency upang makaiwas pa sa pwedeng mangyaring sakuna na kailangang unahin ng mga rescuers.