Tumutulong na rin ngayon sa clearing operations ang augmentation force na ipinadala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa Banaue, Ifugao na nakaranas ng pagbaha sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Robert Corpuz ng PDRRMO-Nueva Vizcaya na binubuo ng 16 na disaster response personnel ang kanilang naipadala noong Lunes batay na rin sa naging kahilingan ng Banaue-MDRRMO.
Bukod sa karagdagang manpower, nagpadala rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga kagamitan at heavy equipment na magagamit sa paglilinis ng mga putik at iba pang nakakasagabal sa lansangan o mga kabahayan.
Sinabi ni Corpuz na magtatagal ng hanggang apat na araw ang kanilang mga tauhan sa Banaue na posible namang i-extend.
Dagdag pa niya na nakahanda o patuloy na naka-standby ang Pamahalaang Panlalawigan sa anumang tulong na posible pang kailanganin ng probinsiya.
Matatandaan na nasa tatlo ang naitalang sugatan at nasa maayos nang kalagayan sa nangyaring kalamidad habang maraming kabahayan ang nawasak, kabilang na ang sektor ng agrikultura at imprastruktura.