Kasunod ng lalawigan ng Cagayan, Zero COVID-19 case na rin ang lalawigan ng Nueva Vizcaya makaraang nag-negatibo na sa virus ang ikalima at pinakahuling pasyente sa Region 02 Trauma and Medical Center.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Dr. Napoleon Obania, medical chief ng R2TMC na nakalabas na rin ng ospital si PH2315, 53-anyos.
Si PH2315 ay kamag-anak at nakasalamuha ng unang nagpositibo sa sakit na si PH774 na namatay bago pa man lumabas ang resulta ng kaniyang laboratory test.
Ayon kay Dr. Obania, hinihintay na lang ang resulta ng swab test ng sampung COVID-19 suspect case at walong probable case na ipinadala sa Baguio General Hospital and Medical Center.
Kasabay nito, nanawagan si Dr. Obania ng mga donasyon na personal protective equipment (PPEs) para sa kanilang frontline health workers.
Sa ngayon, dalawang probinsiya na sa lambak ng Cagayan o rehiyon dos ang wala nang record na nagpositibo sa nakamamatay na virus na kinabibilangan ng lalawigan ng Cagayan at Nueva Vizcaya.
Habang wala namang naitalang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 ang probinsiya ng Quirino at Batanes.
Samantala, dalawa pang pasyente na positibo sa COVID-19 sa Santiago City, Isabela ang hinihintay pa ang resulta ng kanilang specimen re-test.