TUGUEGARAO CITY – Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang nurse habang sugatan ang kanyang angkas nang sumalpok sa garbage truck ng Local Government Unit (LGU) Tuguegarao ang sinakyan nilang motorsiklo.

Kinilala ang namatay na biktima na siyang nagmaneho ng motorsiklo na si Zedfrey Maguigad ng Brgy. Lanna, Solana, nurse 3 sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) habang sugatan naman ang angkas nito na si Mark Allen Bacuyag.

Ayon kay Plt Isabelita Gano ng PNP-Tuguegarao, ipinarada ni Laureano Macababbad, 39-anyos ng Annafunan East ang minamanehong garbage truck sa gilid ng daan sa Brgy. Caritan Norte habang naghahakot sila ng basura sa lugar.

Nagulat na lamang umano si Macababbad ng biglang may sumalpok na motorsiklo sa kaliwang bahagi ng sasakyan kung saan pumaloob ang dalawang sakay nito sa ilalim ng truck.

Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan si Maguigad na sanhi ng kanyang agarang kamatayan habang nananatiling nagpapagamot sa pagamutan si Bacuyag.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Gano na batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, mabilis ang pagpapatakbo ng dalawa dahil hinahabol ni Maguigad ang kanyang trabaho sa CVMC.

Nabatid na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang dalawang biktima ng mangyari ang insidente.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang hinihintay kung magsasampa ng kaso ang mga biktima laban sa driver ng garbage truck.