
Mahigit 1K benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa Isabela ang lumahok sa Nutrition Education Session ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Juliet Abalos, coordinator ng Walang Gutom Program ng DSWD-RO2, layon nitong palawakin ang kaalaman ng mga benepisyaryo tungkol sa tamang nutrisyon at kalusugan.
Ang edukasyon sa nutrisyon ay magsisilbi aniyang gabay sa mga benepisaryo para sa tamang pagpili ng pagkain upang matiyak na natatanggap ng katawan ang kinakailangang sustansya.
Sinabi ni Abalos na ang naturang session ay bahagi ng kondisyon ng Walang Gutom Program na kailangang daluhan ng mga benepisyaryo upang manatiling kwalipikado para sa buwanang food credits.
Karamihan naman sa kabuuang 1049 na benepisaryo na lumahok sa sesyon ay mula sa sektor ng Senior Citizens, Persons with Disability at Solo Parent.