Walang naiulat na casualties, ngunit may ilang panindang gulay na nabasa matapos pumasok ang tubig baha at ilang bubong na tinangay ng hangin bunsod ng pananalasa ng Bagyong Pepito sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT).

Ayon kay Engineer Gilbert Cumilia ng NVAT, sa kabila ng mga pagsubok na ito, tumaas parin ang presyo ng ilang gulay.

Halimbawa aniya ang bilog na ampalaya na umabot sa P70 hanggang P75, habang ang Vizcaya beans ay bumaba sa P50 hanggang P60, ang presyo ng repolyo ay tumaas mula P30 hanggang P45, at ang carrots naman ay nagkakahalaga ng P110 hanggang P120.

Ibinahagi rin ni Cumilia na sa kanilang pag iikot ay nakita rin ng mga ito ang mga taniman ng pipino sa Kasibu na nasira.

Bukod dito ay marami ring gulay ang hindi naipadala dahil sa mga pagkaantala dulot ng nasabing bagyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Cumilia na dahil dito ay asahan na mataas parin ang presyo ng mga pangunahing gulay hanggang sa buwan ng Disyembre.

Sa ngayon, tutok ang NVAT sa pag-aayos ng mga nasirang bubong at paglilinis ng mga terminal upang maibalik sa normal ang operasyon at mga serbisyo sa rehiyon.