Naging emosyonal at humingi ng paumanhin si EJ Obiena matapos na wala siyang nakuha na medalya sa men’s pole vault final sa Paris Olympics 2024 sa State de France.
Hindi nakaabot si Obiena sa kanyang pagtatangka na makuha ang bronze medal na ito sana ang unang medalya ng bansa sa Olympics sa athletics matapos ang 88 taon.
Matapos na ma-clear ang 5.90m, nabigo si Obiena sa lahat ng tatlong pagsubok sa 5.95m at nagtapos siya sa pang-apat na puwesto.
Sinabi ni Obiena na napakasakit sa kalooban na hindi niya nakuha ang ang bronze medal dahil sa isang talon at hindi malayo sa lahat ng kanyang jump attempts sa 5.95m.
Ayon kay Obiena, ilang araw bago ang Olympics, dumanas siya ng maraming problema sa pisikal subalit inamin niya na ang kanyang lack of consistency ang nagbunsod ng kanyang kabiguan.
Tulad ng inaasahan, si Mondo Duplantis ng Sweden ang nakakuha ng gold medal matapos na lampasan ang kanyang sariling world record sa 6.25m clearance.
Ito ang pangsiyam na beses na nabasag ni Duplantis ang record sa nasabing event.