Nagbabala ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko na maghanda sa pagdating ng isang napakalakas na bagyo na may lawak na halos 1,000 kilometro, na inaasahang tatama sa Luzon ngayong weekend.

Batay sa monitoring, papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga, at kapag nakapasok na ay papangalanang “Uwan.”

Inaasahang aabot ito sa typhoon category pagsapit ng Biyernes at posibleng maging super typhoon sa Sabado.

Tinukoy ng OCD na dadaan ang bagyo sa Hilagang at Gitnang Luzon, ngunit dahil sa lawak nito, pinapayuhan din ang Metro Manila, Katimugang Luzon, at iba pang rehiyon na maghanda.

Patuloy namang pinaiigting ng OCD at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga paghahanda para sa paparating na bagyo, kasabay ng pagtugon sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Tino.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroon na lamang dalawang araw para sa paghahanda bago maranasan ang masamang panahon na dulot ni Bagyong Uwan simula Sabado at Linggo.