TUGUEGARAO CITY-Tiniyak ng Office of Civil Deffense ang kahandaan ng bawat tanggapan ng Disaster Risk Reduction Management office dito sa rehiyon dos kasabay ng taunang pagdiriwang ng disaster resilience month ngayong buwan ng Hulyo.
Sinabi ni Harold Cabreros ng OCD Region 2 na bahagi nito ang regular na pagsasagawa ng webinars upang matiyak ang pagkakaroon ng magandang koordinasyon sa tuwing may kalamidad at para madaragdagan pa ang kaalaman ng mga rescuers sa disaster, preparedness and response.
Kaugnay nito, ilan sa mga nakalinyang programa bilang bahagi ng selebrasyon ay ang Rescue Jamboree 2021 na lalahukan ng lahat ng mga City at Municipal DRRMO sa buong lambak ng Cagayan.
Imbitado din sa gagawing Rescue Jamboree ang mga kabahaging syudad ng OCD Region 02 metro manila partikular sa Pasig at Marikina.
Ayon sa direktor, naatasan ang kanilang tanggapan na tumulong sa mga nasabing lugar tuwing may mga dumarating na insidente gaya ng “the big one” o pinakamalakas na lindol na maaaring tumama sa bansa.
Bahagi pa nito ang pagsasagawa Disaster Risk Reduction Management Officers o DRRMOs Summit na tatalakay sa kahandaan at pagtutulungan ng bawat local na pamahalaan sa pagtulong nito sa mga karatig-bayan na maaaring masalanta ng ibat ibang kalamidad.
Tiniyak din ng direktor na handa ang mga evacuation centers at mga ilalatag na panuntunan sakaling may mga evacuees na madadala sa mga ito.
Dagdag pa niya, mas paiigtingin ang mga ilalatag na panuntunan upang maiwasan ang pagkalat ng virus at para maiwasan ang kumpulan sa loob ng evacuation centers.
Kaisa rin ang OCD sa pagsasagawa ng tree planting activities sa gilid ng mga ilog bilang bahagi pa rin ng pangangalaga sa kalikasan.
Ang pagdiriwang ng disaster resilience month ay sa ilalim ng Executive Order No. 29 layuning tutukan at paigtingin ang disaster risk governance, kasabay nang paghahanda sa mga kalamidad at ang magandang implementasyon ng “Build Back Better” rehabilitation and recovery program ng pamahalaan.