Binigyang diin ng Office of Civil Defense ang kahalagahan ng earthquake drill kasunod ng 7.4 magnitude na lindol sa Taiwan na nagpa-alerto sa Pilipinas sa posibleng pagkakaroon ng tsunami.
Ayon kay Sunshine Asuncion, tagapagsalita ng OCD-RO2, bukod sa kahandaan sakaling tumama ang malakas na lindol ay itinuturo rin sa drill ang mga dapat gawin tuwing may tsunami na kadalasang nangyayari kasunod ng lindol.
Kasabay nito ay nasubok aniya ang contingency plan ng lokal na pamahalaan sa pagharap sa pagtama ng tsunami at pagsasagawa ng evacuation at ang kahandaan ng mga first responders gaya ng Philippine Coast Guard, PNP, sundalo at iba pang rescue groups.
Bukod sa kahandaan ng pamahalaan ay nakita rin ng OCD ang naging pagtugon ng mga nakatira sa mga isla at malapit sa baybayin sa panawagang mailikas para mailigtas ang sarili sa kahalintulad na sakuna.
Batay sa datos, pinakamarami sa mga nailikas sa mataas na lugar ay mula sa apat na coastal towns ng Isabela sa bilang na 568 families o 2,622 indibidwal; Cagayan sa 71 families o 324 individuals mula sa Sanchez Mira at Sta Praxedes na nag-antay ng humigit kumulang tatlong oras bago bumalik sa kanilang tahanan matapos ang pagkakansela ng tsunami warning.
Limang bayan naman sa Batanes ang agad nagsuspinde ng pasok sa paaralan at nagpauwi ng mga estudyante; 12 bayan sa Cagayan at isa sa Isabela.