TUGUEGARAO CITY-Inihayag ng office of civil defense (OCD)-Region 2 ang proyektong paglalagay ng sand bag sa mga lugar na mabababa o bahain kasabay ng National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo.

Ayon kay Regional Director Dante Balao ng OCD-Region 2, target umano ng kanilang ahensiya na lagyan ng sand bag ang bayan ng Cabagan sa Isabela at Allacapan sa Cagayan.

Aniya, napili umano ang mga nasabing bayan dahil ito ang mga madalas bahain lalo na sa tuwing tag-ulan.

Sinabi ni Balao na mayroon umanong 200,000 sand bag ang inilaan ng kanilang ahensiya para sa naturang proyekto.

Ngunit sa ngayon, sinabi ni Balao na kasalukuyan pang pinag-aaralan ng technical working group na kinabibilangan ng Meteorologist, Hydrologist at Geologist ang naturang proyekto dahil maaring masolusyonan ang problema sa nabanggit na lugar ngunit maari namang maapektuhan ang iba pang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, hiniling ni Balao ang partisipasyon ng mga local governmnet Unit (LGU) para sa ikakatagumpay ng naturang proyekto.