TUGUEGARAO CITY-Nagbabala ang Office of the Civil Defense (OCD)-Region 2 sa publiko sa posibleng epekto ng Bagyong Ramon lalo na ang lalawigan ng Quirino na nakaranas ng 4.9 na lindol nitong gabi ng Miyerkules.

Ayon kay Francis Joseph Reyes ng OCD-Region 2, maaaring magkaroon ng pagguho ng lupa dahil nagkaroon ng paggalaw ng lupa kasunod ng lindol at kung sasabayan pa ng malakas na pag-ulan.

Una na rin aniyang naglabas ng derektiba ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)sa publiko na magsagawa ng paglikas para matiyak ang kaligtasan.

Maging ang probinsiya ng Isabela at Quirino ay nagdeklara na ng walang pasok sa lahat ng lebel at naglabas na rin ng memorandum na magsagawa ng pre-emptive evacuation lalo na ang mga nasa mabababang lugar.

Layon nitong matiyak ang kaligtasan at walang magiging casualty sa pananalasa ng bagyong Ramon sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Reyes na maaring ngayong araw ipatupad ang preemptive evacuation Quirino at Isabela dahil inaasahang maglalandfall ang nasabing bagyo sa araw ng Linggo.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Reyes sa ipinakitang kooperasyon ng iba’t-ibang ahensiya at grupo sa isinagawang earthquake drill.

Ayon kay Reyes, naging pilot area ang bayan ng Dinapigue, Isabela sa nasabing aktibidad kung saan ilang senaryo ang kanilang ginawa.

Sinabi ni Reyes na bagamat nakitaan ng mabilis na pagresponde ng mga iba’t-ibang ahensiya kung sakali na magkaroon ng lindol , ikinalungkot naman nito ang hindi pagseryoso ng mga participants sa isinagawang aktibidad.

Dahil dito, hinimok ni Reyes ang publiko na seryosohin ang bawat isinasagawang aktibidad para alam ang mga nararapat na gawin sa oras ng kalamidad.