TUGUEGARAO CITY-Nagpadala ng dalawang tauhan ang Office of Civil Defense (OCD)-Region 2 para tumulong sa operation center ng Region 4A at 4B na unang naapektuhan ng pag-alburuto ng Bulkang Taal.

Ayon kay Joseph Francis Reyes ng OCD-Region 2, ang pagpapadala ng kanilang tauhan ay mandato ng kanilang head office bilang augmentation sa Batangas at Cavite.

Aniya, kahapon, ay nakarating na ang kanilang dalawang tauhan at bago sasabak sa kanilang trabaho ay magkakaroon pa umano ng orientation.

Sinabi ni Reyes na ang dalawang ipinadalang tauhan ay experto sa emergency operation at incident command system na labis na kakailanganin sa lugar na apektado ng Taal eruption.

Kaugnay nito, ayon kay Reyes, nakahanda ang kanilang ibang tauhan kung sakali na muling humiling ng karagdagang tauhan para tumulong sa mga lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, nagpadala ng kanilang tauhan ang Department of health (DOH)-region 2 at DSWD-region 2 para tumulong sa pagbibigay ng assistance sa mga lugar na apektado ng pag-alburuto ng bulkang taal.