Tuguegarao City- Pormal ng ipinagkaloob ng Office of the Civil Defense (OCD) sa tanggapan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang mga Personal Protective Equipment (PPE)na maaaring gamitin ng mga medical frontliners sa pag-aasikaso ng mga COVID-19 confirmed patients.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dante Balao, Regional Director ng OCD Region 2, tinatayang aabot sa P10.9M ang halaga ng mga PPE na ipinapamahagi sa mga ospital na nangangalaga ng mga COVID-19 patients sa rehiyon.

Aniya, kailangang pagtuunan ng pansin ang proteksyon ng mga medical frontliners upang makaiwas ang mga ito sa pagkahawa sa naturang sakit.

Maalalang may mga doktor at iba pang mga medical frontliners ang nahawa at nasawi dahil sa nakamamatay na virus.

Paliwanag pa nito na dapat masiguro ang kaligtasan ng mga ito at hanggat maaari ay wala na sanang mga medical and health workers ang masawi dahil sila ang higit na kailangan sa ganitong sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag naman ni Balao na kabilang pa sa mga ospital na nabigyan ng PPE ay ang Saint Paul Hospital, Tuguegarao City People’s Emergency Hospital, Southern Isabela Medical Center, Trauma and Medical Centers sa Bayombong Nueva Vizcaya at maging ang DOH Regional Office.

Samantala, sa ngayon ay naka-alerto aniya ang Cagayan Valley Regional Task Force for COVID Diseases upang tumulong sa pagpapatupad ng mga hakbang upang wakasan ang banta ng COVID-19.