Maghahain ng apela ang kampo ni Pastor Apollo Quiboloy laban sa utos ng korte sa Pasig na magsagawa ng ocular inspection sa mga ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kaugnay ng kasong qualified trafficking laban sa kanya.

Ayon sa kanyang abogado na si Israelito Torreon, magsusumite sila ng “motion for reconsideration” upang tutulan ang nasabing kautusan.

Nauna rito, pinayagan ng Pasig Regional Trial Court Branch 159 ang kahilingan ng prosekusyon na magsagawa ng inspeksyon sa mga KOJC properties sa Davao City, Quezon City, at Pasig City.

Layunin nitong mas maunawaan ang mga lugar na binanggit sa kaso laban kay Quiboloy at sa kanyang mga co-accused.

Bagama’t nakapagbigay na ng sketch ang complainant tungkol sa mga mahahalagang lugar sa KOJC compound, sinabi ng korte na limitado lamang ito sa kanyang alaala, kaya kinakailangan ang aktwal na inspeksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang isagawa ang ocular inspection sa Pasig at Quezon City sa Abril 27, habang sa Davao naman ay sa Mayo 18.

Ayon sa mga piskal, makakatulong ang ocular inspection upang masuri nang mabuti ang ebidensya sa kasong may kinalaman sa sexual exploitation at labor trafficking.

Nilinaw naman ng korte na ang inspeksyon ay hindi pa ang mismong paglilitis at hindi nito pipigilan ang presentasyon ng iba pang ebidensya mula sa alinmang panig.

Nahaharap din si Quiboloy sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.