
Isang overseas Filipino worker mula Kuwait ang nakauwi sa Pilipinas sa tulong ng repatriation program ng pamahalaan at nagkaroon ng pagkakataong makita sa huling pagkakataon ang kanyang pumanaw na ina.
Ayon sa Department of Migrant Workers, mahigit tatlong taon nang hindi nakakauwi si Emily Picatoste, isang domestic worker sa Kuwait. Nakatakda sana siyang magbakasyon matapos ang Ramadan ngunit naapektuhan ito ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Noong Abril 6, nagtungo siya sa Embahada ng Pilipinas upang makasama sa repatriation program. Subalit noong Abril 8, pumanaw ang kanyang ina sa Pilipinas matapos biglang magkasakit.
Agad siyang humiling na mapaaga ang kanyang pag-uwi, at sa tulong ng Embahada, Migrant Workers Office, at Overseas Workers Welfare Administration, naayos ang kanyang biyahe at nakasama siya sa flight pauwi noong Abril 12.
Kabilang si Picatoste sa mahigit 360 Pilipino na nakabalik sa bansa noong Abril 15 mula sa Kuwait. Tutulungan din siya ng OWWA upang makauwi sa kanyang lalawigan sa Mindanao.
Kasabay ng kanilang pagdating ang mga labi ng 20 OFWs na pumanaw sa natural na dahilan sa Gitnang Silangan.








