TUGUEGARAO CITY-Umabot na sa pito ang bilang ng aktibong kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa Region 02 matapos muling makapagtala ng panibagong kaso ang probinsiya ng Isabela.
Ayon kay Oliver Baccay ng Philippine Information Agency (PIA)-Region 2, ngayong araw, Hunyo 18,2020 kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isang 24-anyos na lalaki mula sa Santiago City ang panibagong kaso ng virus sa Rehiyon.
Aniya, isang Overseas Filipino Worker ang pasyente kung saan dumating siya sa kalakhang Maynila noong Hunyo 11, 2020 at nakarating sa Santiago City noong Hunyo 15, 2020.
Agad na sumailalim sa quarantine ang pasyente at swab test kung saan positibo siya sa virus.
Asymptomatic ang pasyente at kasalukuyan ng minomonitor sa Southern Isabela Medical Center.
Sa ngayon, sinabi ni Baccay na may limang active patients ng covid-19 sa Isabela , isa sa Cagayan at isa rin sa Nueva Vizcaya na kasalukuyan ay minomonitor sa iba’t-ibang pagamutan sa Rehiyon.