Nakalabas na ng intensive care units (ICU) ang isang overseas Filipino worker (OFW) na una ng napaulat na nasa kritikal na kondisyon matapos sumiklab ang sunog sa kanilang tinutuluyang dormitoryo sa Kuwait.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac, kasalukuyan ng nagpapagaling ang nasabing OFW.

Habang ang isa namang OFW na nasa kritikal pa ring kalagayan ay nananatili pa rin sa ICU.

Una na ring inihayag ng DMW na inaasahang maiuuwi na sa Pilipinas ngayong araw ng Lunes ang mga labi ng 3 OFWs na nasawi sa sunog.

Samantala, kasalukuyang inaasikaso na ng DMW ang pag-uwi ng ilan pang mga Pilipino na naapektuhan din sa nangyaring sunog.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na una ng sumiklab ang sunog noong Miyerkules kung saan 50 ang napaulat na nasawi, 45 dito ay Indian national, 3 Pilipino at 2 ang hindi pa natuloy ang pagkakakilanlan.

Lahat ng mga ito ay nagtratrabaho sa iisang Kuwaiti construction company.