Ligtas na na-rescue ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong matapos itong saktan ng kanyang employer, na nakuhanan ng video habang agresibong hinihila ang buhok ng biktima.

Matapos makita ang video, agad na rumesponde ang Hong Kong Police at kinausap ang OFW.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), hindi inilabas ang pagkakakilanlan ng biktima, ngunit sinabi ng Hong Kong Labor Attaché Cesar Chavez na siya ay mula sa Bulacan.

Nakalabas na ng ospital ang OFW at pansamantalang nanunuluyan sa Migrant Workers Office shelter sa Hong Kong.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, iniimbestigahan ng Hong Kong Police ang insidente at may abogado ring tumutulong sa OFW na magsampa ng kaso laban sa employer.

-- ADVERTISEMENT --

Ani Caunan, saklaw ng kaso hindi lamang ang pisikal na pananakit kundi pati na rin ang physical abuse, na labag sa kontrata sa ilalim ng Hong Kong labor laws.

Tatanungin din ng OWWA ang OFW kung nais nitong bumalik sa Pilipinas o ipagpatuloy ang trabaho sa Hong Kong.