Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Italy sa mabagal na aksyon ng COMELEC kaugnay sa pagkaantala ng overseas absentee voting doon dahil sa isyu ng delayed shipment.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rhodney Pasion, secretary general of Migrante Europe, sinabi niya na hindi katanggap-tanggap ang mabagal na galaw ng Comelec upang maipaabot ang balota sa mga OFW lalo na sa Northern Italy sa unang araw ng botohan noong araw ng Linggo.

Dagdag pa ni Pasion na maituturing itong isang pagpigil sa karapatan nilang bumoto kung kaya nananawagan sila sa COMELEC na solusyonan ang naturang usapin at tiyakin na hindi na ito mangyayari sa susunod na mga halalan.

Bagamat sinabi ng konsulada na ngayong Linggo inaasahang darating ang balota, subalit hindi naman aniya nito masabi kung anong araw ito makakarating sa kanila.

Sinabi ni Pasion na nasa 15,820 ang rehistradong botante na OFW sa Italy.

-- ADVERTISEMENT --