
Isang panukalang batas sa Senado ang naglalayong bigyan ang Office of the Ombudsman ng kapangyarihang mang-aresto, mang-detain at magsagawa ng search and seizure upang palakasin ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa korapsyon.
Sa Senate Bill No. 2394 ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, itatatag ang Ombudsman Marshal Service bilang pangunahing law enforcement arm ng anti-graft body. Sila ang maaaring magsilbi ng arrest warrants, humawak ng mga suspek at magsagawa ng mga legal na search at seizure.
Pangungunahan ito ng isang special investigator na may ranggong katumbas ng Deputy Ombudsman, habang ang mga miyembro nito ay magsisilbing Ombudsman Marshals.
Maaari rin silang magdala ng angkop na firearms para sa kanilang proteksiyon at sa seguridad ng mga witness at persons in custody, gayundin ipatupad ang mga order at writ ng Ombudsman, Sandiganbayan at iba pang anti-corruption courts at ahensya.
Ayon kay Lacson, kailangan ang naturang kapangyarihan upang higit na mapalakas ang kakayahan ng Ombudsman na gampanan ang mandato nitong imbestigahan at labanan ang korapsyon.




