
May hawak nang bank records ang Office of the Ombudsman na magpapatibay sa malalaking kaso laban sa mga matataas na opisyal ng gobyerno kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.
Ayon sa Ombudsman, ang mga dokumentong ito ay nagpapakita ng bank-to-bank transfers na mag-uugnay sa mga sangkot sa katiwalian.
Ang imbestigasyon ay nakaangkla sa limang pekeng flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office.
Ipinasa na ng Department of Justice (DOJ) ang rekomendasyong sampahan ng kasong graft, malversation, perjury, at falsification of public documents ang mga sangkot na opisyal at contractors.
Plano rin ng mga piskal na humiling ng tulong mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang mas mapalalim pa ang imbestigasyon.
Layunin din ng Ombudsman na mabawi ang nawawalang pondo ng bayan sa pamamagitan ng restitution, at posibleng plea bargain mula sa mga akusado.
Mariing iginiit ng DOJ na ang mga gumawa ng katiwalian ay walang karapatang magtakda ng kondisyon sa proseso ng hustisya, dahil ang taumbayan ang tunay na naapektuhan sa mga anomalya.
Matatandaang inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kampanya laban sa katiwalian sa mga flood control projects sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), at binuksan ang “Sumbong sa Pangulo” website para sa mga reklamo ng publiko.