Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng P7.4-bilyong plunder case laban kay dating House Speaker at incumbent Leyte 1st District Representative Martin Romualdez at tatlong iba pa kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

Kasama sa mga kinasuhan sina dating House appropriations committee chairperson Zaldy Co, personal assistant ni Romualdez na si Joselyn Tragua Serenio, at Felicito Cristobal Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corporation.

Ayon sa Ombudsman, nakatanggap umano sina Romualdez at Co ng mga komisyon, porsiyento at kickback sa hindi bababa sa 15 pagkakataon, na umabot sa P7.4 bilyon, mula sa mga contractor at iba pang may interes sa mga flood control at infrastructure project ng gobyerno mula 2022 hanggang 2025.

Sinabi rin ng Ombudsman na ginamit umano ang nakuhang pera sa pagkuha ng ilang ari-arian at shares of stock, kabilang ang mga property sa Forbes Park, Makati City, at stocks sa Prime Media Holdings at DigiPlus Interactive Corporation.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, dumaan sa masusing pagsusuri ang kaso at tumagal ng pitong buwan ang pagbuo nito. Inihain ni Assistant Ombudsman Mico Clavano ang kaso sa Sandiganbayan, na kalaunan ay napunta sa Third Division.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy na itinatanggi ng kampo ni Romualdez ang mga alegasyon at iginiit ang karapatan niya sa due process. Nauna nang sinabi ng kanyang abogado na wala nang credible na ebidensiya laban sa dating House Speaker at kinuwestiyon ang mga bagong testigong umano’y iniharap ng Ombudsman.