Nagsasagawa ang Office of the Ombudsman ng case build-ups laban sa pitong high-profile officials na inuugnay sa kontrobersiya sa flood control, kabilang sina Senator Francis Escudero, dating Senator Nancy Binay, at dating Senator Grace Poe, dahil sa bigat ng mga alegasyon.

Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na araw-araw silang nakakatanggap ng mga impormasyon, subalit tumanggi siyang magbigay ng detalye dahil makakaapekto sa kaso.

Ayon sa kanya, kasalukuyan pa ang evaluation at case build-up kay Binay sa mga ebidensiya na natanggap ng kanyang opisina.

Ipinaliwanag niya na maingat sila sa kanilang ginagawang pag-aaral at hindi sila nagmamadali na magsampa ng mga kaso, upang matiyak na hindi masasayang ang kanilang trabaho kung hahantong lamang ang mga ito sa dismissal.

Sinabi ni Remulla na walong team ang nagtatrabaho na sa mga kaso, at inaasahan na mas marami ang mabubuo sa susunod na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para sa pagsasampa ng kaso ay base sa mga affidavit at mga testimonya na ibinigay ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing sa mga alegasyon sa mga infrastructure deals noong September 25.