Inatasan ng Office of the Ombudsman si Vice President Sara Duterte at siyam na iba mula sa Department of Education at Office of the Vice President na magbigay ng kasagutan sa mga kasong inihain ng Kamara may kaugnayan sa umano’y kuwestionableng paggasta sa confidential funds.
Binigyan ng Ombudsman si Duterte at iba pang respondents ng 10 araw sa sandaling matanggap ang kautusan na maghain ng kanilang counter-affidavits kasama ang affidavits ng kanilang mga testigo, at iba pang supporting documents.
Nakasaad sa kautusan ng Ombudsman na kung mabibigo ang mga ito na maghain ng counter-affidavits sa loob ng nasabing panahon ay isasagawa ang preliminary investigation.
Sinabi ng Ombudsman na hindi sila tatanggap ng anomang motion to dismiss o motion for bill of particulars.
Ang kautusan ay matapos na maghain ang kamara ng reklamo laban kay Duterte at maraming iba noong Lunes para sa plunder, technical malversation, falsification, use of falsified documents, perjury, bribery, corruption of public officers, betrayal of public trust, at culpable violation of the Constitution.
Nag-ugat ang reklamo mula sa rekomendasyon ng House Committee on Good Governance and Public Accountability na magsampa ng mg kaso laban kay Duterte dahil sa umano’y hindi tamang paggamit sa P500 million na confidential funds ng Office of the Vice President at P112.5 million na confidential funds sa Department of Education mula 2022 hanggang 2024.
Isa rin ang issue sa umano’y misuse ng confidential funds sa impeachment complaint ng Kamara laban kay Duterte.