Ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na patuloy siyang nakikipaglaban sa sakit na leukemia matapos sumailalim sa quintuple bypass heart surgery noong 2023.

Natuklasan ang kanyang karamdaman matapos ang operasyon sa puso na isinagawa dahil sa bara sa ugat na nakita sa kanyang medical examination.

Matapos makumpirma ang leukemia, dumaan si Remulla sa serye ng gamutan kabilang ang dalawang cycle ng chemotherapy, body irradiation, at bone marrow transplant sa isang ospital sa Bonifacio Global City.

Ang stem cell donor ay isa sa kanyang mga anak na naging ganap na tugma, dahilan upang maging matagumpay ang transplant at maganda ang resulta ng kanyang paggaling.

Ibinahagi rin ni Remulla na naranasan niya ang mga sintomas tulad ng pagkahilo, panghihina, at madalas na pagdurugo ng ilong bago matukoy ang sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng mga hamon matapos ang gamutan, patuloy niyang pinananatili ang positibong pananaw at ipinagpapasalamat ang bawat araw ng kanyang paggaling.

Kamakailan lamang ay nanumpa si Remulla bilang Ombudsman noong Oktubre 9, 2025 sa harap ni Supreme Court Justice Marvic Leonen.

Sa kabila ng kanyang kalagayan, ipinagpapatuloy niya ang kanyang tungkulin sa pamahalaan at nananatiling determinado na maglingkod habang pinangangalagaan ang kanyang kalusugan.