Ikinabahala ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang muling pagdami ng mga naka-admit na pasyenteng may COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CVMC Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na mula sa bilang na apat na kumpirmadong kaso ng virus noong bisperas ng Pasko ay umakyat pa ito ngayon sa bilang na 16.

Itoy bukod pa sa 19 na suspected cases na nag-aantay ng resulta ng kanilang swab test.

Ayon kay Baggao, nakikitang dahilan ng muling pag-akyat ng nahahawaan ng virus ay ang pagluluwag sa mga protocols at travel restrictions kung saan nagpakampante ang publiko.

Pinakamarami sa mga pasyenteng naka-admit sa CVMC ay mula sa Cagayan at hindi pa tiyak ng ospital kung Omicron variant ang tumama sa mga pasyente dahil ipapadala pa lamang ang mga samples sa Philippine Genome Center para masuri.

-- ADVERTISEMENT --

Una na ring inihayag ni City Health Officer James Guzman na posibleng nakapasok na sa Tuguegarao City ang pinangangambahang Omicron variant dahil sa bilis ng hawaan.

Itoy matapos nagpositibo sa virus ang limang miyembro ng pamilya na galing Metro Manila at umuwi sa Tuguegarao City noong December 26 nang nakaraang taon.

Nahawaan din nito ang isang 74-anyos na kaanak dito sa lungsod.

Gayunman, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mas pinalawak at mas pinaigting na contact tracing at testing sa mga close contacts ng mga nagpositibong kaso.

Samantala, nasa 19 ang naisugod sa ospital na may kinalaman sa motorcycle accident noong bisperas hanggang mismong araw ng bagong Taon.

Ayon kay Baggao, karamihan sa mga ito ay nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin na nagtamo lamang ng minor injuries.

Dahil sa holiday season, tumaas din ang mga pasyenteng nagpakonsulta may kaugnayan sa High Blood Pressure, Diarrhea, at Gastro arthitis.

Nananatili namang minimal ang isinugod sa ospital may kaugnayan sa Fireworks related incident sa bilang na tatlo habang patuloy na iniimbestigahan at ginagamot sa ospital ang naunang napaulat na biktima ng stray bullet sa bayan ng Sanchez Mira.

Samantala, matapos gawing 1,000 beds ang capacity ng naturang pagamutan, sinabi ni Baggao na kasalukuyan ngayon ang hiring o regularisasyon ng mga doktor at nurse upang mapalawak pa ang serbisyo nito.