Tuguegarao City- Tinututukan ngayon ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang pagpapalakas ng kanilang “Kadiwa ni Ani at Kita Project” katuwang ang Department of Science and Technology (DOST Region 2.
Sa panayam kay Bernard Malazzab Jr., Focal Person ng Kadiwa Project, layunin nito ay upang maipaabot ang serbisyo ng ahensya para sa mga magsasaka at consumers.
Sa pakikipagtulungan ng DOST Region 2 ay nakagawa aniya sila ng Online Application na tinawag na “Onestore.ph” kung saan ay direktang mag-uugnay sa mga consumers at ng mga producers.
Pangangasiwaan aniya ito ng DA Cooperative kung saan sila ang makikipag-ugnayan sa mga local farmers at mga consumers.
Paliwanag nito, makikita sa online applications ang mga produktong maaaring bilhin sa murang halaga at pag nakapili ang buyer ay maaari naman itong ipadeliver ng libre.
Kaugnay nito ay maaaring idownload ng libre ang “Onestore.ph” google playstore at kung nadownload ay iclick lamang ang “kadiwa ni ani at kita” upang makita ang mga produktong iniaalok ng mga magsasaka at mangingisda.
Dinisenyo ng DOST ang naturang proyekto bilang bahagi ng pagpapaigting sa mga programang mag-uugnay sa mga magsasaka at buyers ngayong nararanasan ang epekto ng krisis na dulot ng COVID-19.
Samantala, target ng mga nasabing ahensya na isulong ang pagpapaganda ng nasabing proyekto na maaaring iadopt ng iba’t-ibang lugar sa bansa na magiging kapakipakinabang sa pagharap ng new normal.