Ipinag-utos ni Police Regional Office (PRO) 2 Director PBGEN Angelito Casimiro ang implementasyon ng ‘One Strike at No Take Policy’ sa mga police provincial, city at municipal police offices sa Cagayan Valley laban sa illegal gambling.
Kasunod nito, binalaan ni Casimiro na masisibak sa pwesto ang sinumang hepe ng pulis na magpapabaya at mahuhulihan ng ilegal na sugal sa kanilang hurisdiskyon, bukod pa sa isasampang kasong administratibo.
Sa ilalim ng one-strike policy, ang chief of police, precinct commander at station commander ay agad na sisibakin sa puwesto kapag namayagpag ang anumang uri ng iligal na sugal sa kanilang lugar at kapag tatlong chief of police ay nasibak sa isang probinsya dahil sa iligal na pasugalan ay saka naman masisibak ang provincial director.
Ayon kay Casimiro, bukod sa kampanya kontra illegal drugs at kriminalidad ay asahan na ang maigting na operasyon ng PNP laban sa anumang uri ng illegal numbers game.
Ipinagbabawal din sa mga pulis ang pumunta at magsugal sa mga gambling establishments gayundin ang pagtanggap ng payola mula sa ilegal na sugal.