Sinimulan na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagtanggap ng online application sa pamamahagi ng “one-time financial assistance” na P10,000 para sa mga displaced overseas Filipino worker (OFW) na apektado ang trabaho dahil sa krisis na hatid ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Luzviminda Tumaliuan, director ng OWWA RO2 na sakop ng DOLE-AKAP assistance program ang mga land-based o sea-based na regular at dokumentadong OFWs, mga balik-manggagawa na nanatili sa Pilipinas at hindi makabalik sa kanilang host country, at sa iilang undocumented na OFWs.
Sakop din aniya ng programa ang mga qualified undocumented OFW o mga dating regular o documented worker na nawala ang regular o documented status.
Maaari dn aniyang makatanggap ng P10,000 cash assistance ang mga balik-manggagawa na hindi nakabalik sa bansa kung saan sila nagtatrabaho dahil ito’y ni-lockdown sanhi ng COVID-19.
Gayundin ang mga OFW na nakaranas ng job displacement dahil ni-lockdown ang bansang kanilang paroroonan o na-infect ng COVID-19.
Pagkakalooban din aniya ng financial assistance ang mga qualified OFW na galing sa mga bansang may presensiya ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) o matinding apektado ng COVID-19.
Pinayuhan ng OWWA ang mga OFW na nais mag-apply para sa cash assistance na magtungo lamang sa POLO sa bansang kinaroroonan nila.
Habang ang mga OFW na kasalukuyang nasa bansa at mga balik manggagawa ay maaaring idownload ang aplikasyon sa www.dole-akap.owwa.gov.ph website.
Ayon kay Luzviminda, isusumite rin sa naturang online application system ng DOLE ang aplikasyon at mga required na dokumento.
Aniya, maaaring makaranas ng mabagal o magkaproblema sa pag-load ng web page dahil inaaasahang maraming mag-aaccess dito.
Ang mga sumusunod ang proseso sa PAG-APPLY:
1. I-type ang http://dole-akap.owwa.gov.ph/ at sagutin ng kumpleto ang bawat detalyeng kailangan. Siguraduhing tama ang SPELLING ng mga isasagot na impormasyon.
2. I-attach ang malinaw na kopya ng hinihinging dokumento sa application. Dapat ito ay JPEG o PDF format.
3. Hintayin ang notice mula sa DOLE Regional Office 02 kung kailan makukuha ang financial assistance na ipapadala sa BANK ACCOUNT ni OFW o kaya ay sa mapipiling MONEY REMITTANCE CENTER.
Para sa karagdagang impormasyon, tumawag o magmessage sa mga sumusunod na numero, Facebook Page at email address:
– OWWA 24/7 HOTLINE 1348
– OWWA Regional Welfare Office No. 02 Hotline Nos. 09367237093 / 09176326072 / 09189653746
– OWWA Region 02 Cagayan Valley Page
– OWWA RWO2 official email account at region2@owwa.gov.ph
PAALALA: Ang OWWA Regional Welfare Office No. 02 ay sumusunod sa mga regulasyon ng ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE. Pagkatapos ng ONLINE APPLICATION, pinapayuhan ang lahat ng aplikante na HINDI kailangang personal na pumunta sa opisina ng OWWA at DOLE sa ngayon.
“NO FACE – to – FACE TRANSACTION”