Hinimok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng National Authority for Child Care (NACC), ang mga social media platform tulad ng Meta na mas mahigpit na bantayan ang online na pagbebenta ng bata at ilegal na adoption groups.

Ayon kay Rowena Macalintal, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Philippine National Police at Women and Children Protection Center upang subaybayan ang mga Facebook groups na nagbebenta ng sanggol o nagpo-promote ng online adoption. Umabot umano ang presyo ng mga bata mula P8,000 hanggang P130,000, at may ilang grupo na may higit 13,000 miyembro.

Ipinaliwanag ni Macalintal na hindi agad matatanggal ang lahat ng grupo dahil may mga kasalukuyang operasyon at entrapment activities ang awtoridad. Gayunpaman, maaaring managot sa batas ang parehong sellers at buyers dahil ilegal ang online adoption sa Pilipinas.

Binigyang-diin din niya na ang lehitimong proseso ng adoption ay karaniwang tumatagal ng humigit-kumulang siyam na buwan kung susundin ang lahat ng dokumento at proseso.

Para sa mga magulang na hindi na kayang alagaan ang kanilang anak, maaari silang lumapit sa NACC, DSWD offices, o iba pang lisensyadong child care facilities para sa tamang assessment at counseling.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Macalintal sa pamahalaan at Meta na magkaroon ng pormal na dialogue upang ipagbawal ang mga grupong lumalabag sa batas.